Ito ay ilan sa mga pamahiing Pinoy ngayong Pasko na dala-dala pa ng ating mga ninuno at nakasanayan na nating paniwalaan ayon sa 1,001 Katutubong Pamahiin ni Julio F. Silverio.
- Noong panahon ng mga Amerikano, tuwing bisperas ng Pasko (Disyembre 24), sa sandaling tumugtog ang alas-dose ng hating-gabi, kinakailangang buksan ninyo ang lahat ng pintuan sa inyong tahanan upang sa gayo’y magsilabasan ang mga masasamang espiritu.
- Kung gumawa kayo ng pudding o kakanin sa bisperas ng Pasko, kailangang ipahalo ninyo ito sa bawat kasama ninyo sa sambahayan o pamilya habang ito’y inyong ginagawa. Sa gayon, kayo’y susuwertehing lahat sa susunod na taon.
- Matapos namang maluto na inyong kakanin, huwag kayong magpapadala o dili kaya’y magpapabalot nito kahit kapiraso lamang sa sinumang taong nag-caroling sa inyong tahanan. Ang gayo’y makapagdudulot sa inyo ng matinding kamalasan o kabiguan sa buhay sa susunod na taon. Kaya, kailangang ipakain lamang ninyo ito sa kanila sa loob ng tahanan.
- Sa Disyembre 25, kayo’y papalarin kung kayo ang mauunang magbukas ng pintuan sa harapan ng inyong tahanan upang papasukin ang Pasko.
- Ang kailangang dumating muna sa inyong tahanan sa araw ng Pasko ay isang lalaki na may maitim na maitim na buhok bago ninyong payagang palabasin ang sinuman sa inyong pamilya. Hangga’t walang dumarating na ganitong lalaki ay walang makalalabas ng tahanan. Ginagawa ito upang maging lubos ang swerteng darating sa susunod na araw.
- Papalarin kayo kung ang bawat makasalubong ninyong kakilala sa araw ng Pasko ay babatiin ng “Merry Christmas” o “Maligayang Pasko”.
- Kayo rin ay papalarin kung pahahalik o makakahalik sa may ilalim o sa may tabi ng inyong Christmas tree sa loob ng inyong tahanan.
- Ang pagkain ng bibingka o puto sa mga araw na pagitan ng kapaskuhan at Bagong Taon, kung maaari’y gawin ninyo ito sa iba’t-ibang tahanan. Ito’y magdudulot sa inyo na maraming masasayang araw na taong papasok.
- Isang masamang palatandaan kung ang araw ng Pasko ay tumama sa araw ng Lunes. May kamalasan itong idudulot sa darating na taon.
- Ang inyong mga panaginip sa loob ng 12 gabi pgakatapos ng Pasko (at ito’y hanggang Enero 6) ay tiyak o malamang magkakatotoo, ngunit makasasama para sa inyo kung babaligtarin ang hinihimlayang matress o banig sa gabi ng Pasko.
Nasa inyo kung tatawanan o paniniwalaan ninyo ang mga katutubong pamahiing ito. 🙂
Source:
http://www.pinoytumblr.com/post/2197295347/pamahiing-pinoy-ngayong-pasko
(HINDI NIYO KO MAKAKASUHAN NG PLAGIARISM KASI MAY SOURCE AKO. BELAT.)